Layunin ng pag-aaral na ito na idokumento, ilarawan, at isalin ang mga leksikon sa pangingisdang kubkuban, partikular ang mga katawagan sa mga proseso, kagamitan, at uri ng mga isdang nahuhuli sa bayan ng Kawayan, Biliran. Ginamit ang kuwalitatibong metodong mini-etnography upang makipamuhay sa mga mangingisda at holistikong mailarawan ang mga leksikon ng kubkuban. Pinili ang 17 kalahok na kubkubero mula sa dalawang barangay gamit ang purposive sampling. Ang mga pamamaraan ng pagkolekta ng datos ay kinabibilangan ng pakikipagkuwentuhan, impormal na panayam, gabay na tanong, paggamit ng rekorder, at pagtatala ng mga field notes. Isinagawa ang transkripsiyon, pagkilala, paghahanay, pagkategorya ng mga leksikon, at pagsusuri sa kayarian at bahagi ng pananalita. Nagsagawa rin ng member checking at balidasyon ng mga eksperto sa paglalarawan at pagsasalin ng leksikon. Natuklasan sa pag-aaral ang kabuuang 100 leksikon: 37 tumutukoy sa mga proseso, 38 sa mga kagamitan, at 25 sa mga uri ng nahuhuling isda. Karamihan sa mga leksikong ito ay mga pandiwa, pangngalang pambalana, at pang-uri. Mayroon ding mga hiram mula sa ibang wika, mga terminong walang katumbas na salin sa Ingles at Filipino, at mga salitang may partikular na kahulugan na mas nauunawaan sa kultural na konteksto ng paggamit. Ang mga leksikong ito sa pangingisdang kubkuban ay nagbubukas ng pananaw sa natatanging kultura ng mga lokal na industriya ng pangingisda sa bansa. Mahalaga ang pag-aaral sa pagpapayaman ng mga leksikal na entri sa wikang Filipino mula sa mga wika ng rehiyon, tungo sa pagpapahusay ng lokalisado at kontekstuwalisadong kasangkapan sa pagtuturo. Makabuluhan din ang nakalap na datos sa pagsusulong at pagpapanatili ng mga yamang panglingguwistika ng bansa para sa pangangalaga ng kultura at pagpapanatili ng pamanang pangisdaan.
No takes yet. Share an insight, caveat, or question.
Atok et al. (2026) studied this question.
Synapse has enriched 5 closely related papers on similar clinical questions. Consider them for comparative context: