Ang pag-aaral na ito ay isang panimulang pagsisiyasat na sumuri sa mga katangiang linggwistik ng wika ng mga babaeng personalidad sa telebisyon sa tatlong antas ng panayam: pormal, di-gaanong pormal, at di-pormal. Gamit ang kwalitatibong pananaliksik na may disenyo na case study, sinuri ang anim na panayam ng mga babaeng kalahok mula 2020–2025 sa pamamagitan ng discourse analysis at thematic analysis. Bilang teoretikal na balangkas, ginamit ang Difference Theory at Social Constructionist Theory bilang pangunahing lente, samantala ang Politeness Theory at Accommodation Theory ay nagsilbi bilang mga suportang teorya. Natuklasan ang dalawang magkasalungat na pattern: (1) bumaba sa di-pormal ang paggalang (98% tungong 12%), di-tuwirang pahayag (87% tungong 34%), at pag-iwas sa sensitibong paksa (95% tungong 23%); at (2) tumaas naman sa di-pormal ang code-switching (10% tungong 59%), emosyonal na pananalita (5% tungong 45%), tagapuno (4% tungong 69%), at balbal (1% tungong 37%). Ipinahiwatig ng pag-aaral na ang wika ng mga babaeng kalahok ay dinamiko at kontekstwalisado, umaangkop sa antas ng pormalidad, nakatuon sa samahan, nakabatay sa kuwento, awtentiko sa emosyon, at madiskarte sa politeness. Muling binigyang-kahulugan ang proposisyon ni Lakoff (1975) na ang po, opo, at hedges ay hindi tanda ng kahinaan kundi mga estratehiya para sa pakikisama at paggalang sa kulturang Pilipino. Gayunpaman, kinilala ng pag-aaral ang limitasyon nito sapagkat anim na panayam lamang ng mga kilalang personalidad sa telebisyon ang sinuri, kaya hindi maaaring gawing pangkalahatan ang mga natuklasan sa lahat ng babaeng Pilipino. Ang mga pattern na natukoy ay maaaring bunga ng mediatized na konteksto, media training, o public image, at hindi lamang ng kasarian.
No takes yet. Share an insight, caveat, or question.
Esoy et al. (2026) studied this question.
Synapse has enriched 5 closely related papers on similar clinical questions. Consider them for comparative context: