Sinuri sa pag-aaral na ito ang ugnayan ng motibasyon sa pagkatuto ng wika, kasanayan sa akademikong pagsulat, at kahirapan sa pagsulat ng mga mag-aaral sa Baitang 10 sa Filipino. Sinubok din nito ang namamagitang papel ng kasanayan sa akademikong pagsulat sa relasyon ng motibasyon sa pagkatuto ng wika at kahirapan sa pagsulat. Ginamit ang kuantitatibong deskriptibo-korelasyonal na disenyo na pinalawak sa pamamagitan ng path analysis. Kabilang sa mga respondente ang 130 mag-aaral sa Baitang 10 mula sa isang pampublikong paaralan sa Sta. Maria, Davao Occidental, Pilipinas, na pinili sa pamamagitan ng simpleng random sampling. Nakalap ang datos gamit ang talatanungang binuo ng mananaliksik na sumukat sa motibasyon sa pagkatuto ng wika, kahirapan sa pagsulat, at kasanayan sa akademikong pagsulat ayon sa yugto ng pagpaplano, pagsulat, at pagrerebisa. Ginamit sa pagsusuri ang mean, standard deviation, Pearson product-moment correlation, multiple regression, at path analysis. Ipinakita ng resulta ang mataas na antas ng motibasyon sa pagkatuto ng wika (M = 3.69, SD = 0.44), mataas na antas ng naiuulat na kahirapan sa pagsulat (M = 3.47, SD = 0.59), at mataas na antas ng kasanayan sa akademikong pagsulat (M = 3.48, SD = 0.66). Positibo at makabuluhan ang ugnayan ng motibasyon, kasanayan sa akademikong pagsulat, at kahirapan sa pagsulat, na may mga koepisyenteng mula r = 0.571 hanggang r = 0.665, p < .01. Sa path model, ang tuwirang koepisyente mula motibasyon patungo sa kasanayan sa akademikong pagsulat ay 0.571, mula kasanayan sa akademikong pagsulat patungo sa kahirapan sa pagsulat ay 0.665, at mula motibasyon patungo sa kahirapan sa pagsulat ay 0.246 matapos isama ang kasanayan sa akademikong pagsulat sa modelo. Ang di-tuwirang epekto sa pamamagitan ng kasanayan sa akademikong pagsulat ay 0.379, na may kabuoang epekto na 0.625. Ipinahihiwatig ng mga natuklasan na mahalagang pag-ugnayin sa pagtuturo ng Filipino ang suporta sa motibasyon, malinaw na paggamit ng estratehiya, at gabay na pagsasanay sa buong proseso ng akademikong pagsulat.
No takes yet. Share an insight, caveat, or question.
Primo Aranas (2026) studied this question.
Synapse has enriched 5 closely related papers on similar clinical questions. Consider them for comparative context: